Gagamitin agad sa paghahatid ng bakuna ang bagong dating na una sa dalawang C-130 H aircraft na binili ng Pilipinas sa Estados Unidos kapag sinimulan na ang vaccination program ng pamahalaan.
Pinangunahan kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pag-tanggap at pag-bendisyon ng eroplano kahapon sa 250th Presidential Airlift Wing Hanger sa Villamor Airbase sa Pasay City.
Ayon sa kalihim, ang eroplano ay malaking tulong sa kasalukuyang fleet ng C-130 ng Philippine Air Force, na pangunahing ginagamit sa paghahatid ng mga karagamento at tropa para sa depensa, internal security operations, disaster-response operations at humanitarian missions.
Nagpasalamat naman si Lorenzana sa Estados Unidos sa tulong para makuha ng Pilipinas ang una sa dalawang C-130H aircraft sa ilalim ng US Security Cooperation Assistance Program.
Sa kabuuang halagang P2.5 bilyong piso, nasa P1.6 bilyong piso lang ang babayaran ng Pilipinas, at ang balanse ay sasagutin ng Estados Unidos.