-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang bagong talagang Area Supervisor ng Mindanao Star Bus (MSB) sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang mga biktima na sina Datu Khalid Mamasabulod Matalam, may asawa at residente ng Barangay Layog Pagalungan Maguindanao; at si alyas Dhats Imbran.

Base sa ulat ng Pagalungan PNP, napag-aman na habang naglalakad ang mga biktima malapit sa kanilang tahanan sa Brgy Layog galing sa kanilang trabaho ay biglang sumulpot ang dalawang hindi pa nakikilalang suspek at pinagbabaril sila gamit ang kalibre.45 na baril.

Kaagad na binawian ng buhay ang mga biktima matapos na magtamo ng tama ng bala sa kanilang ulo, likod at dibdib.

Bago ito, kamakailan lang ay binaril patay si Datu Ali Mantil sa Barangay Batulawan Pikit North Cotabato.

Si Matalam ang siyang kapalit ni Mantil matapos itong pinaslang.

Sa ngayon ay blangko pa ang mga otoridad sa motibo nang pamamaril sa mga biktima at patuloy pa silang nag-iimbestiga patungkol dito.