Ang rising Filipina tennis star na si Alex Eala ay umabante sa round of 16 ng Indian Wells Open nitong Lunes (oras ng Maynila) matapos umatras si Coco Gauff, ika-4 sa mundo, dahil sa iniindang injury sa kanilang third-round match.
Si Eala, 20 taong gulang, ay nangunguna sa score na 6-2, 2-0 nang sumuko si Gauff matapos makatanggap ng medical treatment sa kanyang kaliwang braso.
“I really didn’t want to win this way,” ani Eala. “Pero malaking karangalan para sa akin na makapaglaro sa Stadium One ng Indian Wells laban sa isang mahusay na kalaban,” dagdag pa niya, at hiniling ang mabilis na paggaling ni Gauff.
Sa naturang laban, binigyan ng trainer si Gauff para asistihin sa kanyang balikat at braso matapos siyang matalo sa huling game ng opening set.
Gayunpaman, hindi nagtagal ay sinabi niya sa net na hindi na niya itutuloy ang laban matapos mawala ang serve sa ikalawang laro ng second set.
Susunod na kahaharapin ni Eala si Linda Noskova ng Czech Republic para sa quarterfinals ng torneo.












