-- Advertisements --

Nagtapos nang maaga ang mixed doubles campaign nina Filipina tennis star Alex Eala at Canadian partner Felix Auger-Aliassime matapos silang talunin ng tambalang Elina Svitolina at Gael Monfils sa iskor na 1-4, 1-4, sa unang round ng 2026 US Open mixed doubles round of 16.

Tumagal lamang ng 39 minuto ang laban na ginamitan ng FAST4 format, kung saan ang unang pares na makakuha ng apat na laro ang siyang mananalo sa set.

Maganda ang naging simula nina Eala at Auger-Aliassime matapos kunin ang unang laro sa unang set. Ngunit mabilis na bumawi sina Svitolina at Monfils at nanalo ng apat na sunod-sunod na laro upang makuha ang unang set, 4-1.

Muling nakalamang ang Filipino-Canadian pair sa iskor na 1-0 sa ikalawang set, ngunit agad itong naitabla ng kanilang kalaban at nakuha ang momentum upang tuluyang isara ang laban sa 4-1.

Bagama’t natapos na ang mixed doubles run ni Eala, hindi pa tapos ang kaniyang US Open campaign. Nakatakda pa siyang lumaban sa women’s singles na magsisimula sa Agosto 30.