Matapos ang halos kalahating siglo na pag-aantay uusad na rin sa NBA Finals ang Milwaukee Bucks makaraang muling mamayani sa Game 6 laban sa Atlanta Hawks, 118-107.
Tuluyang naibulsa ng Bucks ang Eastern Conference finals, 4-2, sa kabila na sa ikalawang pagkakataon ay hindi pa rin nakapaglaro ang kanilang two-time MVP na si Giannis Atentokounmpo.
Nagkasya na lamang sa sidelines si Giannis para mag-cheer sa mga teammates.
Nagpakita ng kanyang big game si Khris Middleton na kumamada ng 32 points kabilang na ang 16 straight points sa decisive third quarter upang tulungan ang Bucks na makarating sa NBA Finals sa unang pagkakataon mula pa noong taong 1974.
Gumawa rin ng eksena para sa Bucks si Jrue Holiday na nag-ambag ng 27 points habang apat pang ibang players ang nagtala ng double figures.
“My teammates and my coaches they told me to keep being aggressive,” ani Middleton. “I love it.”
Samantala, hindi naman umubra ang Hawks kahit nagbalik na sa game ang kanilang All-Star point guard na si Trae Young na kagagaling lamang sa pagpapagaling sa sakit.
Para kay Hawks interim coach Nate McMillan, wala silang dapat ikahiya. Aniya, ibinuhos na nila ang lahat ng kanilang natitirang lakas.
“Empty the tank… and they did,” giit pa ni McMillan.
Ang Game 1 ng NBA Finals ay magsisimula na sa July 7 sa Miyerkules sa teritoryo ng Suns.