-- Advertisements --

Nais ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mas marami pang mga Pilipino ang makabisita sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea.

Paliwanag ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, hangad ng hukbo na makita ng mga Pilipino ang ganda ng Pag-asa at ang taglay nitong kayamanan, kahit pa ang naturang isla ay isa sa pinakamalayong isla sa pinag-aagawang karagatan.

Ilang araw bago nito ay dinala ng AFP ang ilang military at civilian content creators sa Pag-asa Island upang makita at ihayag ang ginagawa ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa naturang lugar.

Kasama rito ang pagtatayo ng mga mahahalagang imprastraktura, pagpapatatag sa government facilities, pagtulong sa mga residente sa iba’t-ibang paraan, at pagprotekta sa mga isla sa West Philippine Sea sa kabuuan.

Ayon kay Padilla, mahalagang makita at malaman ng mga Pilipino na ang Pag-asa ay isang teritoryo ng Pilipinas at hinding-hindi ito aabandonahin ng bansa sa kabila ng pagiging malayo nito sa mainland Philippines.

Umaasa ang AFP na mas maraming mga Pilipino ang magkakainterest na bumisita sa naturang lugar, ngayon at napapatatag na ang transportasyong komokonekta rito, mula sa mga pantalan at paliparan ng mainland Palawan.