-- Advertisements --

Kinumpirma ni Eastern Police Director PBGen. Matthew Bacay na inaresto ng mga pulis nitong Sabado ng gabi sa Mandaluyong City ang aktor na si Jake Cuenca matapos umanong mabangga ng kanyang SUV ang isang sasakyan ng mga pulis.

Sinabi ni Bacay, nangyari ang insidente bandang alas-9:00 ng gabi ng dumaan ang SUV ng aktor at nabangga nito ang sasakyan ng mga pulis.

Batay dsa report, hindi tumigil ang SUV kaya hinabol ito ng mga pulis hanggang makarating sila sa may Shaw Boulevard sa Pasig City.

Nang maabutan ng mga pulis ang SUV, doon na nakilala ang driver na si Cuenca.

Ayon sa Heneral, kasalukuyang sumasailalim si Cuenca sa medical examination ngayong Linggo ng umaga.

Sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in damage to property sa Mandaluyong Police ang aktor.

Inihayag pa ni Bacay na habang hinahabol ng mga pulis ang SUV ng aktor nagpaputok ang mga ito at may stray bullet na nakatama sa isang Grab driver.

Agad naman dinala sa hospital ang biktima at kasalukuyang maayos na ang kondisyon nito.

Nasa kustodiya na ng pulis ang sasakyan ng aktor.