-- Advertisements --

Nilinaw ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na magsisilbing preliminary investigation at hindi pa isang ganap na trial ang nakatakdang hearing ng House Committee on Justice sa March 25,2026 kaugnay ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Dahil dito, limitado lamang ang partisipasyon ng mga abogado at mga mambabatas na hindi miyembro ng komite sa gagawing pagtatanong sa mga testigo.

Ayon kay Justice panel Chair Luistro, ang mga miyembro lamang ng Committee on Justice ang may kapangyarihang magsagawa ng direct at cross-examination base sa mga panuntunan ng 20th Congress.

Ang mga abogado ng magkabilang panig ay maaari lamang magsilbing tagapayo sa kanilang mga kliyente, habang ang mga mambabatas na hindi miyembro ng komite, gaya ni Rep. Rodante Marcoleta, ay hanggang “manifestation” lamang ang maaaring gawin at hindi pwedeng mag-usisa sa mga testigo.

Ipinaliwanag pa ng mambabatas na ang papel ng Kamara sa yugtong ito ay katulad ng mga prosecutor na nagsusuri kung mayroong “probable cause” para ituloy ang kaso.

Kung mapatunayan ang basehan, irerekomenda ito sa plenaryo kung saan kailangan ang boto ng 1/3 ng lahat ng miyembro ng Kamara upang pormal na maipadala ang Articles of Impeachment sa Senado para sa aktwal na paglilitis.