-- Advertisements --
image 275

Umaabot sa halos 39,000 mga residente sa lalawigan ng Albay ang apektado na sa patuloy na pag-alburuto ng bulkang Mayon.

Mahigit sa kalahati dito o nasa mahigit 20,000 ang inilikas na at pansamantalang nanunuluyan sa 28 evacuation centers base sa pinakahuling situation report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) mula ng nag-alburuto ang bulkan.

Suspendido pa rin ang mga klase sa anim na siyudad at bayan sa lalawigan ng Albay.

Para mabigyan naman ng relief aid ang libu-libong inilikas na residente, una ng inirekomenda ni Albay Governor Edcel Greco Lagman ang paglalaan ng P196 million na pondo na magtatagal ng 90 araw na nauna na ring sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na kanilang hahanapan ito para mapunan ang kailangang pondo.

Nitong Linggo, nananatili sa Alert Level 3 ang alerto sa bulkang Mayon habang patuloy itong nagbubuga ng abo at lava.

Ayon kay Phivolcs director Teresito Bacolcol na bagama’t mayroon lamang 3 volcanic earthquakes na naitala sa Mayon sa nakalipas na 24 na oras, nagkaroon ng bahagyang pagtaas sa kabuuang seismic energy release nito.

Pinawi rin niya ang pangamba ng mga residente at negosyante sa Albay dahil sa kasalukuyang aktibidad ng bulkan kaugnay sa posibleng tuluyang pagkasira ng tanyag na Cagsawa Ruins, ang natitirang bahagi ng isang dating simbahang Katolika na natabunan mula sa matinding pagsabog ng Mayon noong 1814.

Aniya, 13 kilometro ang layo nito mula sa summit ng bulkan at ipinaliwanag na hindi ito nasira dahil sa pumutok ang bulkan, kundi dahil sa deposito ng lahar.

Ayon pa sa Phivolcs posibleng magtagal pa ng ilang buwan ang pag-alburuto ng bulkang Mayon.