-- Advertisements --

Pinayuhan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga mambabatas na huwag munang magbakasyon at ituloy ang pagbusisi sa panukalang 2027 national budget kahit ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Sa taunang Christmas tree lighting sa Malacañang nitong Sabado ng gabi, sinabi ni Pang. Marcos na dapat isapuso ng Kongreso ang diwa ng Pasko sa pagdedesisyon sa pondo upang matiyak na may direktang benepisyong mararamdaman ang mga ordinaryong Pilipino.

Binanggit din niya na sinimulan na nina Senate President Sherwin Gatchalian at House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang bicameral conference committee upang pag-isahin ang bersyon ng Senado at Kamara sa panukalang pondo.

Ayon sa Pangulo, sakripisyo ang kaakibat ng pagiging opisyal ng gobyerno, kaya hindi muna sila dapat magpahinga upang makapagdiwang nang maayos ang publiko.

Bukod sa usapin ng pondo, binanggit din ni Marcos ang pag-uwi ng mga OFW at ang halaga ng Pasko bilang panahon para isantabi ang mga hindi pagkakaunawaan ng mga pamilya.

Iginiit niya sa huli na kahit nasa gitna ng pagdiriwang, dapat manatiling prayoridad ng gobyerno ang pangangailangan ng taumbayan.

” Please remember the Christmas spirit pagka kayo ay nakapag-decide tungkol sa budget. Para naman ang ating mga kababayan ay maramdaman nila ang ating ginagawa para sa kanila. I was just thinking that we should not take a break so that everyone else can take a break. I think that’s what we should remember,” pahayag ni Pang. Marcos.