-- Advertisements --

Inaprubahan ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magpapalakas sa Safe Spaces Act. 

Layunin nitong protektahan ang publiko, lalo na ang mga bata, laban sa sexual harassment at pang-aabuso.

Nakakuha ang House Bill No. 11264 ng 200 boto pabor, dalawa ang tumutol at isa ang nag-abstain.

Sa ilalim ng panukala, pagmumultahin ng P300,000 hanggang P600,000 o makukulong ang sinumang mapatunayang gumawa ng grooming. 

Mas mabigat ang parusa kung bata ang biktima.

May multa ring P250,000 hanggang P500,000 o pagkakakulong sa mga gagawa ng sexual harassment sa mga opisina at paaralan. 

Maaari ring masuspinde o matanggal sa trabaho ang mga opisyal na sangkot sa ganitong gawain.

Inaatasan din ang mga internet platform na tanggalin ang mapanirang online content sa loob ng 24 oras matapos makatanggap ng legal na utos. 

Pinalawig din mula lima hanggang 10 taon ang panahon para maisampa ang ilang kaugnay na kaso.