-- Advertisements --

Personal na tinanggap ni North Korean leader Kim Jong Un ang credentials ng mga foreign ambassador nito, kabilang si Philippine Ambassador Jaime FlorCruz bilang kauna-unahang envoy ng bansa sa loob ng tatlong dekada.

Ipinresenta ni FlorCruz ang kaniyang Letters of Credence sa supreme leader sa kabisera ng North Korea sa Pyongyang nitong Linggo, Nobyembre 22, kung saan pormal siyang manunungkulan bilang Philippine Ambassador ng Pilipinas sa Democratic People’s Republic of Korea (DPRK).

Kauna-unahan ding idinaos ang naturang seremonya simula noong maluklok si Kim sa pwesto noong 2011.

Kabilang si FlorCruz sa iba pang kinatawan ng mga estado mula sa iba’t ibang panig ng daigdig, tulad ng Bangladesh, Thailand, India, Brazil, Indonesia, Sweden, Czech Republic, Vietnam, at Russia.

Kasalukuyan ding nanunungkulan si FlorCruz bilang kinatawan ng Pilipinas sa China at bilang non-resident ambassador sa Mongolia.

Saad naman ng embahado, lubos na pinahahalagahan ng Pilipinas ang pagsusulong ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon, at binigyang-diin na ang kalagayan sa Korean Peninsula ay mahalagang bahagi ng seguridad sa rehiyon.

Handa rin aniya ang bansa na bumuo ng mga ugnayan sa ibang mga estado, lalo na sa mga karatig-bansa sa Asya, upang makalikha ng mga kondisyong aayon sa tinatamasang kapayapaan at kasaganaan.

“The Philippines stands ready to build partnerships with other countries, more so with its Asian neighbors, in order to create conditions that will allow all nations to enjoy peace and prosperity,” saad ni FlorCruz.

Hinimok naman ni Kim ang mga embahador na palakasin ang kanilang diplomatikong ugnayan sa Pyongyang kasama ang pasulong nito ng mga hakbang na magpapatibay ng tiwala sa pagitan ng North Korea at ng kani-kanilang bansa.

Tiniyak din ni Kim ang mga envoy na mapoprotektahan nito ang kanilang mga diplomatikong pribilehiyo sa ilalim ng international at North Korean Laws.