-- Advertisements --

Mananatiling pangunahing prayoridad ang pangangalaga sa kapaligiran kahit pa pinabibilis na ng Pilipinas ang paglipat sa malinis at nababagong enerhiya, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sa pagdalo ng bansa sa 31st United Nations Climate Change Conference (COP31) sa Antalya, Turkiye, ipinaliwanag ni DENR Undersecretary Analiza Rebuelta-Teh na kailangang balansehin ang pagpapaunlad ng enerhiya at ang kapakanan ng mga lokal na komunidad at ekosistema.

Binanggit ng opisyal na bagama’t malaki ang maiaambag ng mga itatayong offshore wind project sa suplay ng kuryente, hindi dapat mapinsala ng mga ito ang mga yamang-dagat at ang kabuhayan ng mga residente sa mga baybayin.

Bilang tugon, nagpatupad na ang kagawaran ng mga reporma sa regulasyon at mas mahigpit na panuntunan upang masigurong ligtas sa kalikasan at pangmatagalan ang mga mamumuhunang proyekto.

Bahagi ito ng mas malawak na hakbang ng pamahalaan na bawasan ang pag-angkat ng fossil fuels at maabot ang target na 35 porsyentong bahagi ng renewable energy sa suplay ng kuryente pagsapit ng 2030, at 50 porsyento naman sa 2040.