-- Advertisements --

Ipinagmalaki ni US President Donald Trump ang mahigit limang bilyong dolyar na halaga ng mga armas na inaprubahan ng kanyang administrasyon para sa Pilipinas, kasabay ng pagpapalakas ng ugnayang pangdepensa ng dalawang bansa.

Sa bilateral meeting nila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malacañang nitong Miyerkules, sinabi ni Trump na pinalaki rin ng Washington ang pondong inilaan para sa military financing ng Pilipinas. Gayunman, hindi niya tinukoy kung anong mga armas ang kabilang sa naturang halaga o kung ilan na ang naihatid sa bansa.

Tiniyak din ni Trump na pinalalawak ng Estados Unidos ang kapasidad ng kanilang defense industry sa pamamagitan ng pagtatayo ng 21 pasilidad upang mapabilis ang produksyon at mabawasan ang paghihintay ng mga kaalyadong bansa sa kanilang mga inorder na kagamitang militar.

Patuloy na pinapalakas ng Pilipinas ang kakayahan nitong pangdepensa sa gitna ng tensiyon sa WPS. Nakatali ang Maynila at Washington sa 1951 Mutual Defense Treaty, na sumasaklaw sa pagtutulungan ng dalawang bansa sakaling magkaroon ng armadong pag-atake sa saklaw ng kasunduan.

Binigyang-diin naman ni Marcos na nananatiling nag-iisang treaty ally ng Pilipinas ang Estados Unidos, habang ginugunita ng dalawang bansa ang ika-75 anibersaryo ng kanilang kasunduang pangdepensa ngayong taon.