-- Advertisements --

Naitala ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang mahigit 22 mamamahayag na nakaranas ng panggigipit mula sa pulisya sa kasagsagan ng kanilang pagbabalita ng protestang ikinasa hinggil sa 2026 ASEAN Summit.

Kaugnay ito ng isinagawang protesta ng mga delegado ng Lakbayan of Southern Tagalog sa Sucat, Muntinlupa City nitong Linggo, Nobyembre 15.

Kabilang sa nakaranas ng umano’y panggigipit ang ilang mga kampus-mamamahayag mula sa UPLB Perspective, UPLB the Staple, UP Philippine Collegian, at CCC The Sentinel na nagbabalita ng naturang protesta sa lugar.

May mga naitala rin ang unyon ng umano’y pagtatangkang pag-aresto sa dalawang mamamahayag ng UP Tinig ng Plaridel at isa mula sa Altermidya.

Kinundena naman ng NUJP ang naturang mga kaso ng karahasan at pag-aaresto sa mga mamamahayag na gumagawa lamang ng kanilang mga trabaho at nanawagang tigilan ang panggigipit nito maging sa mga nagpoprotesta.

Samantala, humigit kumulang 300 nagpoprotesta naman ang naaresto sa Manila at Muntinlupa hinggil sa idinadaos na ASEAN Summit.