Humingi ng paumanhin si House Deputy Speaker Ronaldo Puno sa kaniyang naging pahayag na “ignorante” ang mga bumabatikos sa pambansang budget, sa pakikipagpulong ng liderato ng National Unity Party sa People’s Budget Coalition.
Ayon sa People’s Budget Coalition, tinanggap nila umano ang paghingi ng paumanhin ni Puno kaugnay ng kaniyang naging komento sa mga kritiko ng 2027 National Budget.
Sa naturang pagpupulong noong Nobyembre 5, napag-usapan din umano ang mahalagang papel ng mga budget advocate sa proseso ng pagbuo at pagsusuri sa pambansang badyet.
Kinilala rin umano ng NUP na nagkulang ang Kamara sa pagbibigay ng pagkakataon sa mga civil society organization at budget watchdog na makilahok sa mga talakayan tungkol sa panukalang badyet.
Ayon sa PBC, kabilang sa mga dahilan ang pulitikal na realidad na kinakaharap ng partido at ang hangaring hindi maantala ang pagpasa ng pambansang budget. Umaasa rin umano ang NUP na maaari pang maitama ang mga pagkukulang sa bicameral conference committee.
Gayunman, iginiit ng PBC na nananatili ang pananagutan ng mga kongresistang bumoto pabor sa panukala na tiyaking maayos ang magiging bersiyon ng 2027 budget at maiwasan ang panibagong kontrobersiya gaya ng flood control scandal.
Matatandaang naging kontrobersiya ang pahayag ni Puno matapos niyang tawaging ‘ignorante’ ang mga bumabatikos sa pambansang budget. Bahagi naman ng panawagan ng PBC ang mas malawak na partisipasyon ng publiko at pagbubukas ng mga dokumento ng budget upang masuri ang paggagamitan ng pondo ng bayan.













