Umabot sa mahigit 40 milyon na ang naitalang dumalaw sa mga sementeryo, memorial park, at columbaria sa buong bansa ngayong Undas 2026.
Batay sa datos ng Philippine National Police (PNP), umabot sa mahigit 40-milyon ang bilang ng mga bumisita sa 5,311 sementeryo sa bansa mula noong Oktubre 30 hanggang kaninang umaga nitong November 2.
Kasabay ng pagdagsa ng mga pamilya na dumadalaw sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay, nananatili ang mga pulis sa mga sementeryo at iba pang matataong lugar upang tumulong sa mga bisita at panatilihin ang kaayusan.
Samantala, nasa 6,499 na ang mga ipinagbabawal na gamit na nakumpiska ng mga pulis sa buong bansa.
Kabilang dito ang matutulis o matatalim na armas, mga inuming nakalalasing, lighters, produktong sigarilyo at vape, kagamitan sa pagluluto, at mga nasusunog na materyales.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., bukod sa pagbabantay sa seguridad, nakahanda rin ang mga pulis na umalalay sa mga pamilyang dumadalaw sa mga sementeryo ngayong Undas 2026.














