-- Advertisements --

Hinamon ng House prosecution si Vice President Sara Duterte na ipaliwanag ang pinagmulan ng kanyang yaman at ang umano’y hindi pagtutugma ng kanyang mga ari-arian sa mga idineklarang halaga sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Ayon kay House prosecution legal spokesperson at private prosecutor Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., hindi sapat ang simpleng pagtanggi ng depensa sa mga alegasyon. Kailangan aniyang ipaliwanag kung paano nakuha ang mga yaman na natukoy sa pagsusuri at kung bakit umano hindi lahat ng ito nakasaad sa mga SALN ng Bise Presidente.

Batay sa pagsusuri ng forensic accounting expert na si Alexander Cabrera, umaabot sa hindi bababa sa P817.87 milyon ang umano’y hindi naideklarang mga ari-arian at hindi maipaliwanag na yaman nina Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio mula 2022 hanggang 2025. Maaari pa umanong umabot sa P1.5 bilyon ang kabuuang halaga, depende sa magiging pagtutuos ng mga utang at buwis.

Samantala, nasa P98.66 milyon ang idineklarang net worth ni Duterte sa kanyang 2025 SALN.
Ayon kay Tolosa, ikukumpara rin ng prosecution ang mga natuklasang halaga sa kinita ng Bise Presidente na iniulat sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Nakumpleto naman na ng House prosecution ang presentasyon ng ebidensya sa Article II matapos bawiin ang tatlo pang impeachment articles na may kaugnayan sa confidential funds, grave threats at bribery.
Nakatakdang simulan ng depensa ang presentasyon ng kanilang ebidensya sa Nobyembre 9, sa pagpapatuloy ng impeachment trial. Ang Senado bilang impeachment court ang magpapasya kung sapat ang ebidensya upang mapatunayan ang natitirang paratang.

xxxxxxxxxxxxxxxxxx