Nanawagan si House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong sa Senate impeachment court na pantay na ipatupad sa magkabilang panig ang pagbabawal sa mga pahayag na maaaring makaapekto sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ginawa ni Adiong ang pahayag kasunod ng patuloy na pagkuwestiyon ni Paolo Panelo, tagapagsalita ni Duterte, sa proseso ng paglilitis at sa pagbawi ng prosecution panel sa tatlo sa mga impeachment article.
Ayon kay Adiong, dapat ding sumunod sa sub judice rule ang mga taong nagsasalita para sa magkabilang panig.
Iginiit din niyang nasa kapangyarihan ng Senado bilang impeachment court ang pagtatakda ng sariling mga patakaran sa paglilitis, alinsunod sa Konstitusyon.
Nauna nang kinuwestiyon ni Panelo ang pagbawi sa mga kasong may kaugnayan sa confidential funds, bribery at grave threats. Aniya, nasayang ang pondo ng publiko at hindi nabigyan ng pagkakataon ang Bise Presidente na sagutin ang mga naturang paratang.
Gayunman, ipinagtanggol ni Adiong ang hakbang ng prosecution at sinabing hindi sayang ang paggamit ng pondo kung layunin nitong panagutin ang mga opisyal ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, Article II na lamang ang itinutuloy ng prosecution matapos tanggapin ng Senado ang pagbawi sa tatlong impeachment article.
Binigyang-diin din ni Adiong na dapat malinaw at tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng mga patakaran upang mapangalagaan ang integridad ng impeachment court at maiwasan ang pagdududa ng publiko sa proseso.








