-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Supreme Court na maaari ring maging biktima ng sexual violence ang mga lalaki, kasabay ng pagpapatibay sa hatol laban sa isang babaeng nang-abuso sa kaniyang 11-anyos na pamangkin.

Ayon sa desisyong isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, hindi dapat asahan na pare-pareho ang magiging reaksiyon ng mga biktima ng pang-aabusong seksuwal. Hindi rin nangangahulugang hindi kapani-paniwala ang kanilang salaysay dahil hindi sila nanlaban o hindi tumugon sa paraang inaasahan ng iba.

Nangyari ang pang-aabuso noong 2018. Kalaunan, na-diagnose ang bata na may post-traumatic stress disorder matapos makaranas ng anxiety, depression, flashbacks at nightmares. Ibinasura ng Korte Suprema ang depensa ng akusado na nagpapahiwatig umanong pumayag o nasiyahan ang bata sa insidente.

Pinagtibay ng SC ang pananagutan ng babae sa statutory acts of lasciviousness at iniutos ang pagkakakulong sa kaniya ng hanggang 16 taon, limang buwan at siyam na araw. Inatasan din siyang magbayad ng kabuuang P250,000 na danyos sa biktima, bukod pa sa anim na porsiyentong taunang interes.