Nangako ang Commission on Higher Education (CHED) na personal nitong susuriin ang reklamong inihain ng kultural na gift supplier na Amianan PH kaugnay ng hindi pa nababayarang souvenir items para sa ASEAN-related activities.
Isiniwalat ng Amianan PH sa social media na siyam na buwan nang hindi nagbabayad ang CHED habang ang Department of Energy (DOE) naman ay may arrears din na mahigit isang buwan.
Iginiit ng supplier na wala silang natanggap na down payment na nagdudulot ngayon ng matinding epekto sa kanilang maliit na negosyo at sa mga komunidad na kanilang tinutulungan lalo na ngayong malapit na ang Pasko.
Agad namang tumugon ang CHED at tiniyak na ang Office of the Chairperson ang personal na mamamahala sa pagkalap ng impormasyon mula sa kanilang Regional Office IV (CHEDRO IV).
Ipinaliwanag ng komisyon na ang kontrata ay isang small-value procurement sa antas ng rehiyon kaya hindi ito karaniwang dumadaan sa pangunahing tanggapan ng chairperson.
Muling pinagtibay ng CHED ang kanilang dedikasyon sa transparency, accountability, at fair treatment habang hinimok ang iba pang suppliers na direktang makipag-ugnayan sa kanila para sa anumang procurement issues.














