-- Advertisements --

Itinakda ng International Criminal Court (ICC) sa Nobyembre 30, 2026 ang pagsisimula ng paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng mga kasong crimes against humanity. Gaganapin ang unang pagdinig sa The Hague, Netherlands, ganap na alas-10 ng umaga sa lokal na oras o alas-5 ng hapon sa Pilipinas.

Pangungunahan ang paglilitis ng Trial Chamber III na binubuo nina Presiding Judge Joanna Korner, Judge Keebong Paek at Judge Nicolas Guillou. Nahaharap si Duterte sa mga kasong murder at attempted murder na umano’y bahagi ng malawakan at sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyan sa Pilipinas mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019.

Saklaw ng tatlong bilang ang mga umano’y pagpatay sa Davao City noong alkalde pa si Duterte, mga pagpatay sa tinaguriang high-value targets sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at mga insidente ng pagpatay at tangkang pagpatay kaugnay ng barangay clearance operations.

Sa unang araw, titiyakin muna ng mga hukom kung nauunawaan ni Duterte ang mga paratang at tatanungin kung aamin siya o maghahain ng plea na not guilty. Susundan ito ng opening statements ng prosekusyon, mga kinatawan ng mga biktima at depensa, kung pipiliin nitong magbigay ng pahayag.

Inatasan ang prosekusyon na maglaan ng anim na oras para sa opening statement, habang tatlong oras naman ang inilaan sa mga kinatawan ng mga biktima. Inaasahang ihaharap ang unang testigo ng prosekusyon matapos ang mga pambungad na pahayag. Magpapatuloy ang mga pagdinig mula Nobyembre 30, alinsunod sa iskedyul na itinakda ng korte.