Ramdam na ng mga mamimili ang pagmahal ng mga bulaklak sa Dangwa, Maynila, isa sa mga pangunahing bagsakan at pinagbebentahan ng mga bulaklak sa Metro Manila.
Halos doble umano ang presyo ng mga bulaklak ngayon kumpara noong nakaraang Undas, batay sa mga mamimiling nakapanayam ng Bombo Radyo.
Si Gethsamane Viuya, na bumiyahe pa mula Tarlac, ay aminadong mabigat sa bulsa ang presyo ng mga bulaklak. Gayunman, bibili pa rin siya upang alalahanin ang mga mahal sa buhay na pumanaw na, lalo’t minsan lamang sa isang taon ito ginugunita.
Samantala, sinabi ni Julia Arca, nagtitinda naman ng mga bulaklak sa Dangwa, na matumal pa rin ang bentahan sa kabila ng nalalapit na Undas.
Dagdag ni Arca, posible pang madagdagan ng P20 hanggang P100 ang presyo ng mga bulaklak sa mga susunod na araw, depende sa uri at dami ng mga ito, kasabay ng inaasahang pagtaas din ng presyo mula sa kanilang mga pinagkukunan.
Sa kasalukuyan, ang rajan at orchid ang ilan sa mga pinakamabentang bulaklak, na nagkakahalaga ng P200 hanggang P250.
Mas gusto umano ng mga mamimili ang mga ito dahil hindi gaanong malaki at madaling bitbitin sa mga sementeryong inaasahang magiging siksikan.
Ilan pa sa mga hinahanap ng mga mamimili ang Malaysian mums na nagkakahalaga ng P150, mga rosas at centerpiece na nagsisimula sa P500, pompom na umaabot sa P1,000, at tropical flowers na nasa P1,500.
Inaasahang dadagsa ang mga mamimili isang araw bago ang Undas o sa mismong araw nito.













