-- Advertisements --

Umarangkada na ang pagbyahe ng mga libreng sakay sa Manila North Cemetery ngayong araw, kasabay sa obserbasyon ng Undas 2026. 

Pagpasok pa lamang sa gate ng naturang sementeryo, bubungad na kaagad ang hilera ng mga electric-vehicle o tinatawag ding ‘toktok’ bilang ‘transport service’. 

Prayoridad na maserbisyuhan ng libreng sakay lalo na ang matatanda o senior citizens, Person’s with Disabilities (PWD’s), may karamdaman, buntis at pati mga magulang na may kasamang bata. 

Ayon kay Manila North Cemetery Director Daniel Tan, aarangkada at magbibigay serbisyo ang ‘libreng sakay’ simula ngayong October 29 hanggang 31. 

Hindi na palalawigin pa ang naturang programa sa ika-1 at 2 ng Nobyembre upang maiwasan umano na makaabala pa sa dagsa ng mga taong bibisita. 

Paalala naman ni Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso na mahigpit ipinagbabawal ang pagpasok ng anumang uri ng sasakyan sa loob ng sementeryo. 

Kasabay nito, ibinahagi ng pamunuan ng sementeryo ang kahandaan tumulong at umasiste sa mga bibisita ngayong Undas 2026. 

Mayroon anilang ‘Puntod Finder Assistance’ para mapadali ang paghahanap sa puntod ng mga namayapang mahal sa buhay.

Habang may ‘wristband tagging’ naman sa mga bata na magsisilbing karagdagang tulong na matiyak ang kanilang kaligtasan. 

Bukod sa nabanggit na sementeryo, ang Manila South Cemetery ay naglunsad ng ‘Enhanced at Advance Puntod Finder’. 

Ibinida ang pagkakaroon nito ng ‘emergency assistance’ na maliban sa paghahanap ng puntod, mapapabilis na rin ang pagresponde sa mangangailangan ng agaran tulong. 

Kaya’t ngayong Undas 2026, ilang ulit na paalala ng pamunuan at lokal na pamahalaan na sumunod sa panuntunan ng mga sementeryo. 

Mahigpit na ipinagbabawal sa loob ng sementeryo ang pagdadala ng speaker, matatalim na bagay, alagang hayop, pagsusugal at iba pa.