Hindi inaalis ng state weather bureau ang posibilidad na muling lumakas ang bagyong Champi bago tuluyang pumasok sa PH Area of Responsibility (PAR) ngayong lingo.
Ayon kay weather specialist Charmagne Varilla, maaaring makaipon muli ng lakas ang naturang bagyo at bumalik sa pagiging supertyphoon bago tuluyang pumasok sa teritoryo ng bansa at maka-apekto sa hilagang silangang baybayin.
Kung mapapanatili ng bagyo ang direksyon nito at ang bilis na paggalaw, maaaring makapasok ito sa PAR bukas ng umaga o hapon (Oct. 20).
Posible ring maglabas na ng weather bulletin at tuluyang magtaas ng storm signal ang weather bureau simula ngayong gabi o bukas ng umaga dahil sa malawak na saklaw ng naturang bagyo.
Sa kasalukuyan, tinutumbok ng malakas na bagyo ang Northern Luzon, lalo na ang teritoryong sakop ng probinsiya ng Batanes.
Dahil sa epekto ng bagyo, posibleng maglabas na rin bukas ng gale warning ang weather bureau sa silangang baybayin, bilang gabay sa mga manlalayag at mga mangingisda.
Batay sa kasalukuyang forecast, nagdadala ng malalakas na pag-ulan at malalakas na hangin ang naturang bagyo sa mga karagatang nasasaklawan nito, oras na makalapit sa kalupaan ng bansa, at posibleng maranasan na rin ito sa Hilagang Luzon simula bukas.
Sa kasalukuyan, ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at localized thunderstorm ang nagdadala ng mga serye ng pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa.











