-- Advertisements --

Pinayuhan ni Sen. Erwin Tulfo ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa France, Saudi Arabia at Israel na magdoble-ingat sa gitna ng mga kaguluhan, pag-atake at banta sa seguridad sa mga nasabing bansa.

Sa isang pahayag, hinimok ni Tulfo, vice chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, ang mga Pilipino sa France na umiwas sa malawakang kilos-protesta ng mga estudyante at manggagawa, partikular sa Paris, dahil sa mga riot at insidente ng pagnanakaw.

Pinayuhan din niya ang mga OFW sa Saudi Arabia na manatiling mapagmatyag at subaybayan ang mga balita bago pumasok sa trabaho dahil sa mga naiulat na pag-atake ng Iran at kaalyado nitong grupong Houthi sa naturang bansa.

Binanggit ng senador ang insidente sa King Khalid International Airport sa Riyadh, kung saan pitong OFW ang naiulat na nasugatan.

Samantala, pinayuhan ni Tulfo ang mga Pilipino sa Israel na, hangga’t maaari, ay umiwas muna sa pagpunta sa West Bank dahil sa mga naiulat na pag-atake ng ilang nakamaskarang Israeli settler laban sa mga dayuhan.

Nanawagan din ang senador sa publiko na ipagdasal ang kaligtasan ng mga OFW sa ibang bansa at ng kanilang mga pamilyang naiwan sa Pilipinas.