Inihayag ng National Bureau of Investigation na kanilang plano ding suriin o imbestigahan ang SALN o Statement of Assets, Liabilities and Net Worth ni Davao City 1st District Rep. Paolo
‘Pulong’ Duterte.
Ayon mismo sa direktor ng kawanihan na si Atty. Melvin Matibag, kinakailangan aniyang matingnan ang nilalaman ng SALN ng naturang mambabatas.
Kaya’t sisilipin ng NBI ang mga ari-arian na idineklara ni Rep. Pulong Duterte sa kanyang SALN matapos lamang nang imbestigahan ang sa kapatid nitong si Vice President Sara Duterte.
Ngunit aniya’y itinatanggi lamang ng mambabatas na kanya ang sinasabing ari-arian na katabi ng isang resort sa Davao City sa paniwalang wala pang titulo o Transfer Certificate of Title.
Habang kasabay din nito’y binasag niya ang paratang na ang ginagawang pag-iimbestiga ng kawanihan sa mga Duterte ay maituturing ‘trial by publicity’.
Kanyang binigyang diin na nakabase sa ebidensya ang proseso ng kanilang imbestigasyon at ang hakbang nila’y hinahanap-hanap din umano ng taumbayan o may pampublikong interes.
Samantala, nagbahagi ang direktor ng paglilinaw ukol sa isang resort na sinasabing pagmamay-ari din umano ng pamilya Duterte.
Kanyang nilinaw na hindi Casas Con Vistas Resort ang tinutukoy ng NBI, kundi ang katabi nito ang siyang ari-arian umano ni Rep. Pulong Duterte.
Ipinagtataka aniya sa naturang resort kung bakit nito sinasabing nadamay sila gayon ang tanging nabanggit ay ang katabing ari-arian umano ng mambabatas.














