-- Advertisements --

Ipinagtanggol ni Vice President Sara Duterte’s spokesperson Atty. Paolo Panelo ang kaniyang estimate na umabot sa P500 milyon ang nagastos sa 20 araw ng impeachment trial na tumalakay sa dalawang artikulo laban sa bise presidente.

Ayon kay Panelo, ibinatay niya ang kalkulasyon sa tinatayang P25 milyong pang-araw-araw na operating expenses ng Senado. Giit niya, dahil itinuring ang impeachment trial na aktibidad na katulad ng regular na plenary session at hindi maaaring magsabay ang ibang pagdinig, dapat ding isaalang-alang ang gastos sa bawat araw ng paglilitis.

Nauna nang hinimok ni Senator Panfilo “Ping” Lacson si Panelo na itama ang aniya’y mapanlinlang na bilang. Paliwanag ni Lacson, ang P25 milyon kada araw ay tumutukoy sa regular na gastusin ng Senado para sa legislative functions, hindi sa mismong impeachment trial. Aniya, sa P27.5 milyong inilaan sa 2025 budget para sa paglilitis, humigit-kumulang P2 milyon pa lamang ang naibabayad para sa mga toga ng senador-huwes at iba pang gastusin.

Inamin ni Panelo na ang kaniyang tantiya ay batay sa desktop research. Gayunman, iginiit niyang ang pangunahing usapin ay ang paggamit ng pondo ng pamahalaan sa mga impeachment article na hindi na mapagpapasyahan ng Senado matapos i-withdraw ng prosekusyon.

Nananatiling magkaiba ang paliwanag nina Panelo at Lacson sa kung paano dapat kwentahin ang gastos. Ang P500 milyon ay tantiya ni Panelo, samantalang binigyang-diin ni Lacson na hindi ito katumbas ng aktuwal na gastos para sa impeachment trial.