-- Advertisements --

Pinuna ng Commission on Audit ang Sandiganbayan kaugnay sa mga iregularidad ng mga dokumento ng mga nagastos sa overseas trips ng ilang justices at personnel, maging ang pag-organisa ng event sa ilang mga four-star at five-star hotel venues.

Ayon sa nailathala na annual audit report ng anti-graft court noong 2025, napag-alaman ng Commission on Audit na naaprubahan ang liquidation na “cash advance” kung saan ginamit ang P11,869,847.98 para sa foreign travels ng mga opisyales ng Sandiganbayan at mga empleyado nito noong 2025, kung saan ang mga ito ay walang sapat at kumpletong dokumento.

Ayon sa COA report, nahahati sa pitong foreign trips, na karamihan ay conferences at training sa US state of Missouri; Victoria, Australia; Budapest, Hungary; Dubai, United Arab Emirates; Doha, Qatar at Singapore mula buwan ng Setyembre hanggang Disyembre noong 2025.

Napag-alaman din na ang isa sa pinakamahal na foreign trips ay ang Hungary na nagkakahalaga ng P2.5 million, Dubai na nagkakahalaga ng P1.88 million, habang ang Singapore trip naman ay nagkakahalaga ng P1.82 million.

Ayon sa patakaran ng anti-graft court na tinukoy ng COA, tanging ang presiding justice lamang ay may karapatan na mag-business class, habang ang ilan pang mga empleyado ay pinapayagan lamang na mag-avail ng official economy class, kung sakali mang hindi ito sagutin host country o sponsoring organization.