-- Advertisements --

Tuloy ang impeachment trial laban kay VP Sara Duterte sa kabila ng dalawang magkasunod na petition na inihain sa Supreme Court ukol sa huling desisyon ng Senate Impeachment Court sa 2/3-vote treshold.

Pagtitiyak ni Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol, susundin pa rin ang schedule na una nang inilabas ng naturang korte kung saan sa Lunes, September 28, isasalang muli ang nakatakdang witness ng prosecution para sa regular na direct examination at cross examination.

Kinikilala aniya ng korte ang magkahiwalay na petition for certiorari na inihain nina Atty. Victor Rodriguez at Atty. Ernesto Francisco, ngunit tungkulin naman ng impeachment court na magpatuloy sa nasimulan nitong paglilitis.

Kung babalikan, hinihiling sa mga naturang petisyon ang paglabas ng temporary restraining order (TRO) at ng status quo ante order (SQAO) para pigilan ang implementasyon ng desisyon ukol sa 2/3-vote treshold.

Ayon kay Atty. Tongol, wala pang natatanggap na opisyal na notice o kopya ng mga petisyon ang Senate Impeachment Court, o anumang directive mula sa kataas-taasang hukuman.

Salig dito ay hindi aniya muna maaaring kumilos ang impeachment court batay lamang sa mga balita na mayroon nang naghain ng petisyon para kuwestyunin ang naunang desisyon ng mga senator-judge.

Iginagalang din aniya ng Senado ang jurisdiction at independence ng kataas-taasang hukuman.