-- Advertisements --

Nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan nina Private Prosecutor Atty. James Bryan Ibrahim Alih at Defense Lawyer Atty. Justin Nicol Gular ukol sa paggamit ng salitang “yaman” sa halip na “net worth” sa ika-25 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte noong Martes, Setyembre 15. Nagsimula ang argumento nang tanungin ni Alih ang testigong si Atty. Karen Batu ng Office of the Ombudsman ukol sa net worth ng Bise Presidente noong 2008 gamit ang salitang “yaman.”

Pumalag si Gular at iginiit na dapat manatili ang prosecution sa eksaktong terminolohiyang nakasaad sa mga opisyal na dokumentong kinikilala ng testigo. Tinanggihan naman ni Alih ang pagtutol na ito at sinabing hindi siya pwedeng busalan ng defense counsel hangga’t wala siyang sinasabing anumang hindi angkop o offensive sa korte habang nagtatanong.

Pumagitan sa usapin si Presiding Officer at Senate President Chiz Escudero at inamin na maging siya ay nahihirapang isalin nang direktang Tagalog ang “net worth.” Ipinaliwanag niya na ang pinakamalapit na kahulugan nito ay “kabuuang pagmamay-ari,” ngunit ipinagpapalagay na nabawasan na ito ng mga umiiral na pananagutan o liabilities.

Upang maiwasan ang dugtong na pagtatalo, inatasan ni Escudero ang prosecution na gamitin na lamang ang mismong Ingles na terminong “net worth” dahil sa kawalan ng opisyal na salin sa Filipino, dahilan upang maipagpatuloy ni Alih ang kaniyang pagtatanong sa testigo.