Nanindigan ang Department of Foreign Affairs (DFA) na pananatilihin nito ang matatag at propesyunal na paraan ng pamamahala sa mga isyu sa West Philippine Sea at hindi papaapekto sa mga batikos o komentaryo online.
Sa isang pulong balitaan ngayong Biyernes, Pebrero 11, iginiit ni DFA spokesperson for maritime affairs Rogelio Villanueva Jr. na ipagpapatuloy ng diplomats ng Pilipinas ang pakikipag-engage sa kanilang counterparts sa matatag at propesyunal na paraan nang may parehong paggalang.
Ipagpapatuloy din ng DFA ang pagpapatupad ng direktiba ng Pangulo bilang chief architect ng foreign policy ng Pilipinas.
Saad pa ni Villanueva, hindi nila papahintulutan ang kanilang sarili na malihis ng inilarawan niya bilang pangungutya mula sa “casual commentators, non practitioners at self-styled experts.”
Mananatili rin aniya ang diplomasiya bilang pangunahing kasangkapan para sa pagtiyak sa mga estratehikong prayoridad sa maritime domain.
Ginawa ng DFA official ang pahayag sa gitna ng batikos mula sa ilang maritime policy analysts at eksperto sa batas na kumukwestyon sa pagpili ng kagawaran sa mapayapang diplomasiya sa pagtugon sa mga tensiyon sa WPS.










