-- Advertisements --

Ligtas nang nakauwi sa Pilipinas ang 46 na overseas Filipino workers (OFWs) mula Kuwait at 17 Filipino tripulante na nakaligtas sa insidente sa M/V Minoan Dignity, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Ayon sa OWWA, dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 ang 46 OFWs mula Kuwait sakay ng Kuwait Airways Flight KU417.

Samantala, dumating naman sa NAIA Terminal 3 ang 17 Filipino seafarers sakay ng Emirates Flight EK334.

Nasa barkong M/V Minoan Dignity ang 18 Filipino crew members nang tamaan ito ng hindi pa nakikilalang projectile habang naglalayag sa timog ng Strait of Hormuz noong August 18.

Nasawi sa insidente ang isang Filipino chief engineer, habang nailigtas naman ang 17 iba pang Pinoy na tripulante.

Matapos ang rescue operation, dinala ang mga seafarer sa Khasab, Oman, kung saan isinagawa ang kanilang repatriation.

Pagdating sa bansa, sinalubong at tinulungan sila ng OWWA at Department of Migrant Workers (DMW), kasama ang MIAA Medical Team at kanilang manning agency.

Samantala, binigyan din ng agarang tulong ang 46 OFWs mula Kuwait, kabilang ang financial assistance, pagkain, pansamantalang matutuluyan at pamasahe para sa mga kailangang bumiyahe patungo sa kanilang mga probinsya.

Sinabi ng OWWA na patuloy nitong susuportahan ang mga umuwing manggagawa sa pamamagitan ng mga regional welfare office nito.

Kabilang dito ang pagbibigay ng welfare, financial, livelihood, employment, counseling at iba pang reintegration assistance, depende sa pangangailangan at kwalipikasyon ng bawat manggagawa.