-- Advertisements --
BAGUIO CITY – Nagpapagaling na sa ospital ang anim na taong sugatan matapos salpukin ng kotse ang isang fast food chain sa La Trinidad, Benguet.
Kinilala ang mga biktima na sina Arlyn Salve, 48; Gloria Huliganga, 59; Melanie Huliganga, 40; Myrna Saluprn, 40; Abigail Tandoyong, 24; at isang taong gulang na sanggol.
Batay sa imbestigasyon ng La Trinidad Municipal PNP, magpaparada lang sana ng kanyang sasakyan ang driver na si Eulesis Cachero, 38 nang aksidente nitong matapakan ang accelerator ng sasakyan.
Naghudyat ito nang pag-diretso ng kanyang kotse papunta sa loob ng establisyemento kung saan nadamay din ang ilang customer na nakapila sa counter.
Kinumpiska ng pulisya ang lisensya ni Cachero na nakatakdang sampahan ng kaso.