NAGA CITY – Patay ang limang katao habang sugatan ang apat na iba pa sa salpukan ng isang Isuzu truck at Tamaraw FX sa Barangay Bamnan, Gumaca, Quezon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Patrolman Alejandro Veluz, imbestigador ng Gumaca-PNP, sinabi nitong pasado alas-5:45 kaninang umaga nang magkabanggaan ang dalawang sasakyan matapos inagaw ng FX ang linya ng kasalubong na truck.

Ayon kay Veluz, mula sa Metro Manila ang Tamaraw FX at patungo sana sa Bicol sakay ang siyam na biktima habang mula naman sa Bicol at patungo naman sa Metro Manila ang naturang truck.

Aniya, sinubukan pa sanang iwasan ng truck ang Tamaraw FX ngunit nagkasalpukan na ang mga ito na nauwi sa pagkamatay ng driver ng FX at apat na pasahero habang sugatan naman ang apat na iba pa.

Samantala, wala naman aniyang nasugatan sa tatlong sakay ng truck na ngayon ay nasa kustodiya na ng mga otoridad.