-- Advertisements --

Nasa limang Court of Appeals (CA) justice ang pasok sa shortlist ng Supreme Court (SC) para sa babakantehing pwesto ni Associate Justice Mariano Del Castillo na magreretiro sa Hulyo 29.

Batay sa naging botohan ng Supreme Court en banc, nanguna sa shortlist sina CA Justices Rodil Zalameda at Filomena Singh na parehong nakakuha ng 13 boto mula sa 15 mahistrado.

Pumangalawa naman pareho sina CA Justices Ramon Garcia at Apolinario Bruselas na mayroong tig-11 boto.

Pang-lima si CA Justice Japar Dimaampao.

Dadalhin ni Chief Justice Lucas Bersamin sa Judicial and Bar Council (JBC) ang shortlist ng SC para sa mababakanteng pwesto sa kataas-taasang hukuman.

Umabot sa 23 ang naghain ng aplikasyon sa pwesto na karamihan ay mga CA at Sandiganbayan justices.

Iniatras naman ni CA Justice Stephen Cruz ang kanyang aplikasyon at hindi na sumalang sa public interview ng JBC.