-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Arestado ang tatlong miyembro ng isang pamilya na pawang target listed personalities ng mga otoridad sa isinagawang drug raid sa Sinapangan, Bangued, Abra.

Nakilala ang mga ito na sina Reymund Bayle, 35-anyos, tricycle driver; ang live-in partner niyang si Marcela Imelda Belmonte, 44-anyos at anak niyang si Christian JC Dungca, 23-anyos.

Arestado ang mga ito matapos magpositibo ang isinilbing search warrant operation sa kanilang tinutuluyang bahay.

Hinalughog ng mga otoridad ang nasabing bahay kung saan nakumpiska sa kwarto ng mag-live-in partner ang siyam na pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P68,000.

Narecover din ang iba pang mga drug paraphernalia.

Gayunman, itinanggi ng tatlo na sa kanila ang mga narekober na kontrabando.

Napag-alaman na high value targets ang mga subject ng operasyon na mahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs act of 2002.

Napag-alaman ding una nang nahuli si Bayle sa isinagawang drug raid noong February 2019 ngunit nakalaya matapos makapagpiyansa.