Arestado ang tatlong manggagawa matapos umanong nakawin at katayin ang isang mamahaling arapaima fish na inaalagaan sa loob ng isang resort sa Pagbilao, Quezon.
Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, namataan umano ang mga suspek na magkatuwang na inilalabas ang malaking isda mula sa fishpond ng resort bago ito dinala sa kanilang tinutuluyang quarters sa loob ng establisyemento.
Ang naturang arapaima ay tinatayang nasa 25 taong gulang, may habang mahigit anim na talampakan, at tumitimbang ng humigit-kumulang 90 kilo.
Tinatayang nasa P7 million ang halaga nito dahil sa pambihirang uri at matagal na pag-aalaga rito ng resort.
Batay sa paunang imbestigasyon, pinatay at kinatay umano ng mga suspek ang isda sa loob ng CR at balak sanang paghatian ang karne upang maiuwi sa kanilang mga pamilya at gawing pagkain.
Ngunit agad na naiulat ng isang security guard ng resort ang insidente sa mga awtoridad, na nagresulta sa pagkakadakip sa tatlo at pagkakarekober sa ilang bahagi ng kinatay na isda.
Dinala ang mga suspek sa kustodiya ng Pagbilao Municipal Police Station para sa inquest proceedings at paghahanda ng kaukulang kaso.
Nahaharap ang tatlo sa reklamong qualified theft habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay ng insidente.










