Iniimbestigahan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang kabuuang nangyari sa pagkaka-detene ng 24 na Overseas Filipino Workers(OFWs) na ikinulong ng Bureau of Immigration ng Russia ngunit tuluyan ding pinauwi sa Pilipinas.
Ayon kay DMW Undersecretary Bernard Olalia, lumalabas na pawang biktima ng mga illegal recruiter ang mga naturang indibiwdal, at nais ng ahensiya na panagutin ang lahat ng sangkot sa kanilang pagkaka-recruit.
Ayon sa opisyal, ang mga naturang OFW ay nahikayat lamang na sumama dahil sa laki ng sahod ngayon ng isang cleaner sa Russia mula sa epekto ng kaguluhang dulot ng giyera sa pagitan ng naturang bansa at ng Ukraine.
Paliwanag pa ng opisyal, walang involved na recruitment agency sa pagpunta ng mga OFW dahil isang Pilipino na dati nang nakapagtrabaho sa naturang bansa.
Ang naturang indibidwal ay mayroon din umano contact sa isang cleaning company doon at nang pabalik ay hinikayat niya ang mga biktima.
Samantala, matapos makabalik sa Pilipinas nitong nakalipas na lingo, 23 sa mga naturang OFW ay tuluyan nang pinabalik sa kani-kanilang pamilya.
Ang isa sa kanila, na siyang nagrecruit sa mga kasamahan, ay naka-detine dahil sa kahaharaping kaso na may kaugnayan sa illegal recruitment.
Kung babalikan, nakabalik ang mga Pinoy sa Pilipinas bunga nang pakikipagpulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Russian President Vladimir Putin. (report by Bombo Jai)
















