Mahigit 200 Overseas Filipino Worker (OFW) applicants ang nasagip ng Department of Migrant Workers (DMW) mula sa mga iligal na tirahan na pinapatakbo umano ng ilang recruitment agencies sa Cavite, Pasay, at Maynila.
Ayon sa DMW, umabot sa 206 katao ang nailigtas mula sa mga pasilidad na hindi rehistrado at hindi sumusunod sa tamang pamantayan ng pamumuhay para sa mga aplikanteng OFW, na karamihan ay mga caregiver at naghihintay ng deployment sa Middle East.
Sa hiwalay na ulat ng ahensya, 151 katao ang nasagip sa Maynila mula sa mga accommodation na pinapatakbo ng ilang recruitment agencies, habang 55 naman ang nailigtas sa Imus, Cavite.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, may mga kaso kung saan umaabot sa 20 katao ang nagsisiksikan sa isang maliit na unit. Libre umano ang paninirahan, ngunit pinapabayaran ng tatlong beses ang gastos kung sakaling umatras ang aplikante sa naturang proseso.
Dagdag pa ng DWM na ang ilang aplikanye ay isang buwan nang nanatili sa mga naturang pasilidad kahit walang kasiguraduhang maaprubahan ang kanilang visa.
Ayon sa ahensya, ang mga accommodation para sa OFW applicants ay dapat rehistrado at sumusunod sa mga pamantayan tulad ng maayos na bentilasyon, fire safety permit, occupancy permit, at health permit.
Sinabi rin ng DMW na sinimulan na nila ang imbestigasyon at posibleng kasong paglabag sa recruitment rules laban sa mga sangkot na ahensya.
Samantala, inalok ng gobyerno ang mga nasagip na indibidwal ng mga programa para sa skills training at livelihood assistance upang matulungan silang makabangon.














