CAUAYAN CITY – Umabot sa 20 na bagong pisang pawikan ang pinakawalan ng mga miyembro ng Community Environment and Natural Resources (CENRO) sa Palanan, Isabela sa dagat na nasasakupan ng coastal village sa Digumased, Dinapigue, Isabela.
Una rito, noong Mayo 2020 ay unang namonitor ng CENRO-Palanan ang “nesting area” o lugar kung saan nangingitlog ang mga sea turtles.
Narescue nila ang mahigit 90 na itlog ng pawikan subalit namatay at hindi na napisa ang iba.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay CENRO officer Federico Cauilan Jr., sinabi niya na para matiyak na mapangalagaan ang mga narescue na itlog ng pawikan ay nagdesisyon sila na dalhin ang mga ito sa kanilang tanggapan hanggang sa mapisa at maaari nang pakawalan.
Aniya, napakalaki ang ginagampanang papel ng mga pawikan sa marine ecosystem dahil malaki ang kanilang naitutulong para mapanatili ang kagandahan ng mga coral reefs na nagsisilbing tahanan ng mga isda.
Sa ngayon ay mayroon pang halos 200 na itlog ng pawikan ang nasa pangangalaga ng nabanggit na tanggapan at patuloy na inoobserbahan para kapag napisa na ay pakakawalang muli sa dagat.
Kaugnay nito ay patuloy ang pakikipag-ugnayan ng CENRO-Palanan sa mga lokal na pamahalaan sa mga coastal town ng Isabela para pangalagaan ang mga nesting areas ng mga marine at wild species.










