KORONADAL CITY – Sugatan ang dalawang minero matapos na matabunan ng lupa sa nangyaring landslide sa bayan ng Tboli, South Cotabato.
Kinilala ang mga nasugatan na sina Onyok Angkoy, 36-anyos; at isang alyas Toto, nasa legal na edad, at kapwa residente ng Sitio Mangga, Brgy. Tibolok.
Ayon sa mga biktima, dahil sa lakas ng buhos ng ulan ay hindi nila namalayan na gumuho ang lupa kaya’t natabunan ang mga ito.
Mabuti na lamang at natulungan ang mga biktima, na kaagad dinala sa South Cotabato Provincial Hospital at sa ngayon ay nagpapagaling na.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo Koronadal kay Mayor Floro Gandam ng bayan ng Lake Sebu, dalawang barangay din sa kanilang bayan ang apektado nang pagguho ng lupa kung saan pahirapan ang daan ngayon sa Brgy. Maculan dahil sa pagguho ng lupa.
Maliban sa mga naitalang landslide, daan-daang mga residente naman ang binaha at lumikas sa mga municipal gym ng mga bayan ng Tantangan, Norala at Banga dahil sa malawakang buha dulot pa rin ng malakas na buhos ng ulan kagabi hanggang madaling araw.