-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Pinag-aaralan na ng Philippine National Police (PNP)-Pangasinan kung may kaugnayan ang dalawang kaso ng pagpatay ng riding-in tandem-criminals na naganap sa bayan ng Calasiao at Lungsod ng Dagupan nitong weekends.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni P/Col. Redrico Maranan, Provincial Director ng PNP-Pangasinan, na natuklasan sa nagpapatuloy na imbestigasyon na sangkot sa pagtutulak ng iligal na droga ang unang biktima na si Edu Gabriana, 42-anyos, na municipal employee, na binaril sa interior road ng Barangay Ambonao-Nansangaan sa Calasiao.

Habang ang ikalawang biktima na nagngangalang Gerry Palaganas, 43-anyos na tricycle driver, residente ng Bangus Ville, Bonuan Gueset, ay tinambangan sa bahagi ng Barangay Bonuan Binloc at napag-alamang No. 9 sa drug watchlist ng PNP-Dagupan.

Dahil aniya rito ay gumagawa na sila ng “link analysis” upang matukoy kung konektado ang mga ito bagama’t hanggang sa kasalukuyan ay inaalam pa ang totoong motibo sa pagpaslang sa mga biktima.