Kapwa tiniyak nina Binibining Pilipinas Grand International 2019 Samantha Ashley Lo at Binibining Pilipinas Globe 2019 Leren Mae Bautista na kanilang masusungkit ang korona para sa bansa.
Batay sa impormasyon, sa mga susunod na araw ay lilipad na patungong Venezuela si Samantha habang sa Montenegro naman si Leren Mae para sa nalalapit na pagsabak nila sa international pageants ngayong buwan din.
Ayon sa 26-year-old Laguna beauty na si Bautista, determinado pa rin siya na makapag-uwi ng korona kahit pa nagtagumpay na ito bilang Miss Tourism Queen of the Year International noong 2015.
“I’m just so lucky to be able to represent the Philippines one more time. I will always say thanks to Bb. Pilipinas for giving me this chance to compete again in an international pageant,” ani Bautista. “I will bring my second crown. I’m ready. I know I’m ready.”
Noong nakaraang taon ay nagtapos sa Top 15 ang Pinay volleyball star na si Michele Gumabao.
Sa panig naman ng Cebuana beauty na si Sam, aminado itong marami pa siyang dapat pag-aralan gaya ng pagrampa at paglalagay ng make-up ngunit handa pa ring makipagsabayan sa mga katunggali.
Kung maaalala, bigo ang predecessor nitong si Eva Patalinjug na makapasok sa Top 20.
“I can’t wait to be here for you when I’m back from Venezuela with my shiny new crown,” saad ni Lo.
Makakalaban ni Sam ang kontrobersyal na pambato ng Thailand na namintas sa pagiging mataba raw ni 2018 Miss Universe Catriona Magnayon Gray.
Unang sasabak si Bautista sa October 21 coronation, habang sa October 25 uli ang Miss Grand International ngayong taon.