-- Advertisements --

Nakapagtala ang Joint Task Force Coronavirus Shield ng 191,000 na violators ng iba’t ibang quarantine protocols sa buong bansa.

Ito ay simula noong Marso kung kailan ipinatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) hanggang ngayon kung saan nasa General Community Quarantine na ang Metro Manila.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Joint Task Force Coronavirus Shield Police Lt.Gen. Guillermo Eleazar na kung ikukumpara noong Marso mayroong 8,000 violators habang kahapon ay nasa 720 na lamang ang kanilang nahuli.

Sa nasabing bilang, 108,000 ang kanilang binalaan o pinagsabihan at nasa 8 porsyento lamang ang na-inquest.

Ayon kay Gen. Eleazar, ito ay dahil nananatiling compassionate ang PNP at mahigpit nilang ipinatutupad ang maximum tolerance.

Samantala, iniulat din ng opisyal na dahil sa pagpapatupad ng striktong quarantine measures at curfew ay patuloy na bumababa ang crime rate sa bansa.

Sa katunayan umano ay 58 porsyento ang ibinaba ng krimen sa buong bansa kung saan 63 porsyento sa Luzon, 55 porsyento sa Visayas at 51 ang ibinaba ng crime rate sa Mindanao.