-- Advertisements --

Tinatayang nasa 1,500 incoming Grade 12 students ang sumasailalim sa libreng college entrance examination review sa ilalim ng Academic Competency and College Entry Support System (ACCESS) ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig.

Inilunsad ang 10-linggong programa noong Mayo 23 sa pakikipagtulungan ng Taguig City University (TCU) at Department of Education (DepEd) Taguig at Pateros. 

Idinaraos ang review tuwing Sabado hanggang Hulyo 25 at sumasaklaw sa English, Mathematics, Science, Filipino, Social Science, Analytical Reasoning, at General Information.

Ayon sa lungsod, agad na napuno ang 1,500 slot ng programa, na nagpapakita ng mataas na interes ng mga estudyante sa libreng paghahanda para sa college entrance examinations.

Sinabi ni Mayor Lani Cayetano na layunin ng ACCESS na mabigyan ng mas mahusay na paghahanda at pantay na pagkakataon ang mga kabataang Taguigeño na makapasok sa kanilang target na mga unibersidad.

“Sa pamamagitan ng ACCESS, binibigyan natin ang ating mga incoming Grade 12 students ng mas matibay na paghahanda para sa college entrance examinations. Nais nating mabigyan sila ng pantay na pagkakataong makapasok sa mga unibersidad na kanilang pinapangarap,” pahayag ni Mayor Cayetano.

Hinimok naman ni Mayor Lani ang mga participants i-take advantage ang nasabing oportunidad.

Pinasalamatan din ng alkalde ang pamunuan ng Taguig City University, DepEd Taguig at Pateros dahil sa kanilang patuloy na partnership sa pagpapatupad ng nasabing programa.

“Natutuwa ako na agad napuno ang mga slot para sa ACCESS ngayong taon. Ipinapakita nito ang determinasyon ng ating mga kabataan na makapagpatuloy sa kolehiyo. Kaya hinihikayat ko ang lahat ng ACCESS recipients na sulitin ang pagkakataong ito—dumalo sa bawat review session, makinig sa inyong mga instructors, at tapusin ang programa. Ang ACCESS ay bunga ng suporta ng ating mga taxpayers at ng ating paniniwala na ang edukasyon ang isa sa pinakamahalagang puhunan para sa kinabukasan ng bawat kabataang Taguigeño,” wika ni Mayor Lani Cayetano.