-- Advertisements --

Mangangailangan daw ng 10,000 health care workers ang pamahalaan para magkaroon ng “substitute” ang kasalukuyang frontliners na lumalaban sa pandemic na COVID-19.

Ayon kay Department of Health (DOH) Usec. Leopoldo Vega, isa ito sa layunin ng inaprubahang “time out” ng medical workers.

“We will not end the game but rather, we will just have to find fresh or new recruits into the system so that efficiency of our health care workers will be there,” ani Vega sa isang press briefing.

Kamakailan nang aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyong magbibigay ng P15,000 benepisyo sa health care workers na tatamaan ng sakit, kahit mild at asymptomatic.

Pinirmahan din ng presidente ang rekomendasyon para mag-hire ng 10,000 medical professionals ang gobyerno.

Una na ring sinabi ni DOH na pinag-aaralan nila ang pagbibigay ng dagdag pang benepisyo ang health care workers para makahakot sa recruitment.

Kabilang ang pagpapalakas ng hiring ng health care workers sa inilatag na target ng ahensya sa loob ng 15-araw ng modified enhanced community quarantine sa Metro Manila at ilang lalawigan.

“Kasalukuyan pong finafinalize ang details para sa reserve health workers team. Sa kasalukuyan po ay pinag uusapan ng Departamento na pabilisin ang pag recruit ng mga HCWs mula sa mga probinsya. Pangungunahan po ng iba’t ibang opisina sa DOH ang pag hire ng mga ating mga HRH para sa NCR, Region 3 at Region 4A lalo na sa mga public and private hospitals and medical centers.”

Sa huling tala ng ahensya, higit 6,000 health care workers na ang na-hire ng DOH sa kanilang human resources for health program.