-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Patay ang isang kasapi ng New Peoples Army (NPA) sa engkwentro ng militar sa probinsya ng Sultan Kudarat.

Ayon kay 603rd Brigade Commander Colonel Michael Santos na habang nagsagawa ng combat clearing operation ang mga tauhan ng 57th Infantry (MASIKAP) Battalion Philippine Army sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Guillermo Mabute Jr sa sitio Tibuhol Palimbang Sultan Kudarat ay nakasagupa nila ang limang mga NPA.

Tumagal na limang minuto ang palitan ng bala sa magkabilang panig gamit ang mga matataas na uri ng armas.

Agad namang umatras ang mga rebelde patungo sa bulubunduking bahagi ng bayan ng Palimbang.

Narekober sa nasawing NPA ang isang Garand rifle,sling bag at apat na clips na may 28 bala ng Caliber.30.

Ang bangkay ng NPA ay tinurn-over sa mga opisyal ng barangay at dinala sa Palimbang Municipal Police Station.

Sinabi ni 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central Commander,Major General Roberto Capulong na patuloy na tinutugis ng mga sundalo ang mga NPA sa bayan ng Palimbang.

Karamihan sa mga terorista na nakasagupa ng mga sundalo ay nagtamo ng mga tama ng baril na makikita sa mga bahid ng dugo sa lugar.

Walang humpay ang kampanya ng 6ID laban sa mga CTG kung saan 85 ang matagumpay na sumuko at anim ang nasawi sa engkwentro.