-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Patay ang isang taong gulang na bata habang sugatan naman ang pitong katao sa banggaan ng tricycle at van sa Barangay Dagupan, San Mateo, Isabela.

Ang mga sangkot na sasakyan ay isang van na minamaneho ni Jose Bricia, 52, habang ang tricycle ay minamaneho naman ni Kim Paul Apostol na residente ng San Andres, Cabatuan, Isabela.

Batay sa ulat ng San Mateo Police Station kapwa binabagtas ng dalawang sasakyan ang magkasalungat na bahagi ng lansangan, nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay umagaw ng linya ang van sanhi upang masalpok ang paparating na tricycle.

Dahil sa lakas ng banggaan ay nagtamo ng malubhang sugat ang mga sakay ng tricycle na agad namang dinala sa pagamutan ng mga tumugong kasapi ng Rescue Team subalit inideklarang dead on arrival ang batang biktima habang nilalapatan ng lunas ng kaniyang attending physician.

Tuluyan namang sinampahan ng kaso si Bricia matapos makumpirma ng San Mateo Integrated Hospital na nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin ng maganap ang aksidente.