-- Advertisements --

Babalik na muli sa normal ang takbo ng buhay para sa mamamayan ng Wuhan province sa China na naging sentro ng coronavirus pandemic.

Ito’y matapos isailalim sa lockdown ang naturang lugar sa loob ng 76 araw.

Pinayagan na ng otoridad ang mga residente na umalis ng syudad sa kauna-unahang pagkakataon simula noong Enero 23 kung saan halos 11 milyong katao ang hindi pinayagang lumabas ng Wuhan para pigilan ang pagkalat ng nakamamatay na virus.

Pinangunahan ng state media ang paglulunsad ng social media campaign habang nagsagawa naman ang mga city officials ng light show bilang hudyat ng muling pagbubukas ng mga paliparan, negosyo at factories sa Wuhan.

Naging agaw-pansin din ang mga terminal ng tren at bus na napuno ng dekorasyon maging ang mga gusali ay inilawan din ang mga katagang “Hello, Wuhan.”

Ayon sa Chinese government, balik-operasyon na ang 30 flights mula Wuhan papunta sa ibang syudad sa China tulad ng Shanghai, Shenzhen at Guangzhou.

Halos 55,000 pasahero naman ang nakapag-bok na ng kanilang tickets palabas ng Wuhan.